bilaterals.org logo
bilaterals.org logo
   

No to RCEP

JPEG - 103.3 kb

Women’s Legal and Human Rights Bureau Philippines - 04 November 2019

No To RCEP

Pantay na katayuan sa lipunan at hustisyang pang-ekonomiya ang minimithi naming kababaihan. Bagamat totoo na marami nang mga batas ang nagsusulong sa mga karapatan ng kababaihan, nananatili ang mapait na katotohanang patuloy pa ring nakararanas ang kababaihan ng iba’t ibang anyo ng diskriminasyon at pandarahas sa araw-araw. Nagpapatuloy ito dahil sa pananatili ng machong kultura at di-makatarungang sistema sa ating lipunan. At ito ay higit pang lalala sa ilalim ng RCEP at ang mga naipanalo na nating karapatan at espasyo ay nanganganib na muling bawiin sa atin. Sa katunayan, di pa man naipapasa ang RCEP ay nilalabag na nito ang ating karapatang makilahok at magaboses sa pagbubuo ng mga desisyong nasasangkot tayo.

Hindi RCEP ang tutugon sa minimithing pantay na katayuan ng kababaihan sa lipunan sa halip higit pang titindi ang diskriminasyon laban sa kababaihan. Hindi kinikilala ng RCEP ang mga probisyon ng CEDAW para sa gender equality. Sa katunayan, walang Gender Chapter ang RCEP. Mas masahol pa dito, napakaraming probisyon ng RCEP na naglalagay sa kababaihan sa mas bulnerableng sitwasyon. Sa dami nito, hindi sasapat ang isang Gender Chapter para matiyak na mapapangalagaan ang ating mga batayang karapatan at pantay na katayuan sa lipunan.

Lalong hindi RCEP ang tutugon sa minimithing hustisyang pang-ekonomiya ng kababaihan, sa halip lalong tayong masasadlak sa kahirapan, lalo tayong mawawalan ng boses at papel sa produksyon, lalo tayong mawawalan ng espasyo sa pagnenegosyo, at lalong magiging bulnerable sa karahasan, pang-aabuso at pagsasamantala.

Layunin ng RCEP na ibaba ng husto ang taripa para sa malayang pagpasok ng mga dayuhang produkto at malayang paglabas ng kita. Para sa mahihirap na bansang gaya ng Pilipinas, ang taripa ay mahalagang pinagmumulan ng kita ng gobyerno. Kaya kapag ibinaba ang taripa, tyak na ang unang-unang titipirin ng gobyerno ay serbisyo publiko. Kababaihan ang pangunahing nangangailangan ng serbisyo publiko dahil sila ang pangunahing nag-iintindi sa pag-aaral, kalusugan at kaligtasan ng kanilang pamilya. Samakatwid, sa pagbagsak ng serbisyo publiko, kababaihan ang kauna-unahan at higit na masasaktan. Sa katunayan, ngayon pa lamang na hindi pa naipapasa ang RCEP at may batas para sa libreng edukasyon, malaking suliranin pa rin ng mga kababaihang katutubo, malliliit na kababaihang magsasaka, kababaihan sa pangisdaan, at kababaihang maralitang taga-lunsod ang edukasyon ng kanilang mga anak dahil sa kahirapan. Kapag lumusot ang RCEP, malaki ang posibilidad na magiging pribado ang serbisyo publiko, gaya ng edukasyon kaya’t lalo nang hindi makakapagpaaral ang kanilang mga anak ang maraming kababaihan.

Karugtong na layunin ng RCEP ang todong pagbubukas ng agrikultura at lupa sa dayuhang pamumuhunan. Kaya naman inaasahang higit na dadagsa ang monopolyong agro-business at higit pang lalala ang land-grabbing at land-use conversion sa ating bansa. Magpasangayon, hindi kinikilala ng lipunan ang mahalagang kontribusyon ng kababaihan sa produksyon sa kanayunan, pero sa RCEP, tuluyan nang mawawalan ng lugar ang kababaihang magsasaka sa sakahan dahil lalamunin at lulusawin sila ng monopolyong agro-business. Gayundin tatanggalin ng RCEP sa kamay ng kababaihang magsasaka ang daang libong taon na nilang papel sa pangangalaga sa tradisyonal na mga binhi dahil ipagkakaloob na ito sa mga monopolyong korporasyon. Bukod dito dahil sa malawakang land grabbing at land use conversion mawawala rin sa kanila ang mga komunal na likas na yamang dati na nilang pinagkukunan ng kanilang pandagdag sa kabuhayan at pagkain, panggatong, tubig at mga halamang gamot.

Hindi rin magkakaroon ng pagkakataong lumago ang mga babaeng may maliliit at impormal na negosyo. Dahil kundi sila pipigilan ay lalamunin lamang sila ng malalaking negosyo. Kaya higit na lalawak ang kawalan ng oportunidad ng kababaihan para sa isang disenteng hanap-buhay. Sa RCEP, lalong magiging bulnerable ang kababaihan sa gender-based violence.

Sa pagkawala ng kanilang kabuhayan, napipilitan ang kababaihang mamasukan bilang kasambahay, manggagawa sa pabrika, o magbakasakali sa ibang bayan para lamang kumita ng ibubuhay sa kanilang mga anak. Sa pagbabakasakali nila sa ibang bayan, madalas silang nagiging biktima ng human trafficking. at karaniwang silang nakararanas ng sekskwal, pisikal, sikolohikal at emosyonal na pang-aabuso. Dagdag pa dito ang mapait na katotohanang bagamat wala sila sa kanilang tahanan ay isipin pa rin nila kung nasa ayos ang kanyang pamilya. Ang tawag dito ay mental load. Ang mental load ng kababihan ay higit na bibigat sa ilalim ng RCEP dadami ang pasanin ng kababaihan.

Ang kahirapan ay kakambal ng karahasan. Karaniwan nang istorya sa mahihirap na komunidad ang domestic violence. At sa istorya ng mga babaeng OFW, isa sa mga dahilan ng kanilang pangingibang bansa ay upang takasan ang pananakit sa kanila ng kanilang mga asawa. Ang RCEP ay pagtitiyak ng kita ng mga dayuhang korporasyon sa pamamagitan ng pagpiga sa likas na yaman at lakas-paggawa ng mga mahihirap na bansa. Ang kahulugan nito sa atin ay matinding kahirapan na sa nangangahulugan ng malaking posibilidad ng paglalala ng domestic violence. Gayudin, para matiyak ang interes ng mga dayuhang korporasyon asahan na kakambal ng RCEP ang pagtindi ng militarisasyon lalo na sa mga lugar na malakas ang pagtutol ng mamamayan. At sa pagtindi ng militarisasyon, tyak rin na titindi ang karahasan laban sa kababaihan.

Kaya maliwanag pa sa sikat ng araw na ang RCEP ay hindi para sa kababaihan at sa malawak na masang Pilipino. Para lamang ito sa dayuhang kapital at malaking negosyo. Tayong masang kababaihan ang higit na masasakatan at mahihirapan kapag lumusot ang RCEP. Kaya, kasama ng mas malawak na mamayan wala tayong nararapat na tungkulin kundi TUTULAN ang RCEP!


 source: Women’s Legal and Human Rights Bureau Philippines